Pinas, pinaka-exposed sa Asya sa banta ng El Niño

MANILA, Philippines — Pinaka?lantad ang Pilipinas sa buong Asya sa matinding banta ng El Niño Phenomenon o panahon na mababa ang antas ng pag?ulan na direktang tumatama sa ekonomiya, lalo na sa mga palayan at taniman.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, tuluy?tuloy na ang mga proyekto sa irrigation upang masuportahan ang mga magsasaka sa gitna ng krisis. Dagdag ng Department of Agriculture (DA), pinalalawak din ang cold storage facilities para maimbak nang maayos ang ani at maiwasan ang sobrang pag?asa sa importasyon.
Naglaan na rin ng financial aid ang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Umaasa ang bansa sa lokal na produksyon ng pagkain, ngunit dahil sa pagbaba ng ani dulot ng tagtuyot, tumataas ang presyo ng mga bilihin at napipilitang umangkat ng produkto mula sa ibang bansa.
Una nang nagpalabas ng El Niño Alert ang DA batay sa projection ng PAGASA. May 79% posibilidad na mararanasan ng Pilipinas ang epekto ng El Niño na nagsimula noong Hunyo, tatagal hanggang Agosto 2026, at maaaring umabot pa sa unang bahagi ng 2027.
Inaasahang magdudulot ito ng matinding init, kakulangan sa ulan, tagtuyot, at mabigat na pinsala sa agrikultura.
Bunga nito, nanawagan ang DA sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang may sapat na suplay sa panahon ng matinding kakulangan.
- Latest





















