Philippines at Canada lumagda sa 2 mahalagang kasunduan
MANILA, Philippines — Nilagdaan ng Pilipinas at Canada ang dalawang mahalagang kasunduan na magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa.
Ito ay ginawa sa ikalawang araw ng official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Canada.
Personal na sinaksihan ng Pangulo at ni Canadian Prime Minister Mark Carney ang paglagda sa dalawang memorandum of agreement (MOA) sa turismo at kultura, gayundin sa labor at migration.
Sa pahayag ni Pangulong Marcos, sinabi nito na ang dalawang kasunduan ay naglalayong palakasin ang ugnayan ng mamamayan ng Pilipinas at Canada.
Sa nilagdaang kasunduan sa turismo, nakasaad dito na mapapalakas ang dalawang bansa para lalo pang paigtingin ang pagtuklas sa mga magagandang tanawin at destinasyon ng parehong bansa.
Habang sa pamamagitan naman ng nilagdaang kasunduan sa labor at migration, aasahan ang mas malakas na proteksyon para sa migrant workers at maisulong ang maayos na recruitment.
Pinuri naman ni Marcos at Carney sa kanilang joint presscon ang malaking kontribusyon ng mga Pilipinong manggagawa sa Canada at siniguro ang maayos at patas na pagtrato sa mga ito, kabilang na ang pagtiyak sa kanilang kaligtasan at proteksyon sa kanilang mga karapatan.
- Latest



















