WHO: Hantavirus outbreak sa cruise ship, tapos na
MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng World Health Organization (WHO) na natuldukan na ang outbreak ng nakamamatay na hantavirus na tumama sa isang cruise ship kamakailan at ikinasawi ng tatlong indibidwal.
Ang deklarasyon ay ginawa ng WHO matapos na tuluyan nang makalabas mula sa pagka-quarantine ang lahat ng indibidwal na nagkaroon ng contact sa mga pasyente ng hantavirus na tumama sa cruise ship na MV Hondius.
Kabilang dito ang 38 OFWs na pawang crew ng naturang barko.
“Today, the final contact of a person exposed to hantavirus on the cruise ship MV Hondius completed their quarantine period, tested negative and returned home,” anunsiyo ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus.
“No further cases have been reported since May 25. We are therefore very pleased to say that WHO considers the outbreak of hantavirus over,” aniya.
Matatandaang 13 indibidwal ang iniulat na dinapuan ng hantavirus habang lulan ng naturang Dutch-flagged ship na umalis noong ?Abril 1 mula sa Ushuaia, Argentina. Sa nasabing bilang ng mga pasyente, tatlo ang kumpirmadong nasawi, habang nakarekober ang iba pa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Tedros na patuloy na magsusumikap ang WHO na maunawaan ang outbreak at ang mismong virus para sa pagdebelop ng bakuna laban dito.
“We are also coordinating a study involving 21 countries to understand how the disease develops, which will support the development of diagnostics, therapeutics, and vaccines for future outbreaks,” aniya pa.
Ang hantavirus, na nakukuha mula sa mga daga, ay isang rare virus na wala pang bakuna at ispesipikong panlunas hanggang sa ngayon.
- Latest

















