Dingdong, nagulat sa hugot ni Marian sa Canada

Sobrang na-enjoy raw ni Dingdong Dantes ang shooting ng pelikulang Remember na kinunan sa Quebec, Canada noong nakaraang buwan kasama ang wife niyang si Marian Rivera.
“Alam mo, miss kong katrabaho si Marian,” bulalas ni Dingdong sa nakaraang event ng grupong Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) at Unilab noong Hulyo 1, 2026, Miyerkules, ng umaga sa Bayanihan Center, Pioneer St., Brgy. Kapitolyo, Pasig City
“Grabe, ibang-iba ‘yung delivery niya rito. Nagulat ako, e. May isang eksena nga na napatulala ako. Na parang nawala ako sa sarili ko. Sabi ko, ‘Sino ito?!’ Grabe! Talagang sabi, ‘Cut! Anong nangyari sa iyo?’
“Sabi ko, ‘Sandali lang po.’ Hindi ko pa siya nakitang ganun, e. Sabi ko, ‘Iba ito!” dagdag niyang pahayag.
Secret daw kung saan humugot si Marian sa mabibigat na eksenang kinunan nila. “Hindi ko na tinanong. Kasi minsan, alam mo, bilang actors, may mga tinatago kang mga pinaghuhugutan. Ayaw mong i-reveal,” napangiti niyang pakli.
Kahit mag-asawa sila ni Marian, maganda rin daw na meron silang itinatago sa isa’t-isa dahil nagagamit nila ito kapag magkasama sila sa isang pelikula o TV project. “Alam mo, mas gusto ko na rin na ganoon. Kasi when we were doing the scene, we were co-actors, e. Kumbaga partners sa scene. Siyempre ayoko namang basagin ‘yung trip niya. ‘Ano ba ‘yung ginawa mo? Ano ba ‘yung proseso mo?’
“Hindi. Parang… nire-respect ko ‘yung ganu’ng side niya na kung paano niya nabubuo ‘yung character niya. So para sa akin, ayokong pasukin ‘yun,” saad ng bidang aktor ng The Master Cutter ng GMA 7.
At kahit paano ay nakapag-bonding daw sila doon sa Quebec, Canada. “May konti. May konti pero most of the time talagang shooting talaga siya,” sagot ni Dingdong. “Pero alam mo, kahit walang bonding... para makasama lang siya sa set, makasama lang sa eksena — lalo na nasa ibang bansa pa — ay napakasayang experience para sa akin,” dagdag niyang pahayag.
Kasama ni Dingdong si Iza Calzado na pumirma ng Memorandum of Agreement para sa Health and Wellness program ng Aktor PH thru Unilab and SPEEd.
Dadalo rin si Dingdong sa Eddys Awards ng SPEEd na gaganapin sa Centennial Hall ng Marriott Hotel sa Linggo.
Sila ng presidente ng SPEEd na si Tessa Mauricio-Arriola ang magpe-present ng outreach activities ng naturang grupo.
Samantala, ang laki nga ng naitulong ng pagdagdag ng I Heart Movies at Heart of Asia na sumabay sa airing ng The Master Cutter.
Dati kasi ay ang GMA 7 lang ang lumalaban sa Sigabo ni Coco Martin na simultaneous ang airing sa TV5, AllTV, A2Z at Kapamilya Channel.
Simula nung Lunes ay kasama na ng GMA 7 ang GTV, I Heart Movies at Heart of Asia na simultaneous na ring napapanood ang The Master Cutter.
Sa apat na istasyon ng Sigabo ang TV5 ang may pinakamataas na viewership, at ang AllTV ang sumusunod.
Aktor, mamimigay na rin ng mga award
Doon pa rin sa event ng SPEEd at Aktor sa Unilab nung Miyerkules ay kinalkal ng SPEEd members si Iza Calzado kung puwede na nilang isiwalat ang pinaplano ng kanilang grupo.
Si Iza ang presidente ng Aktor, pero tinanong daw muna niya ang Executive Director na si Joel Saracho kung puwede na nila itong ibahagi, at umoo naman ang aktor.
Pagsisiwalat ni Iza, “Kami po ay excited dahil we are doing our best to mount… we are mounting an awards ceremony, an Aktor award.
“It’s in the works. And ano po, we will keep it as intimate and as you know, as community-led as possible.”
Sana ay mangyari raw ito bago matapos ang taong ito.
“Ideally, hopefully,” pakli ni Iza.
Gusto ng Film Academy of the Philippines (FAP) na sila ang magtatapos ng movie awards season this year, kaya ang pagbabalik ng Luna o FAP Awards ay sa Disyembre gaganapin.
“Ay! Sa kanila po ‘yun!” bulalas ni Iza.
“Siyempre, sa kanila po ‘yun, oo. Iba naman, sa atin naman ay strictly for the community. Parang SAG (Screen Actors Guild) Awards, ‘di ba?”
Ang SAG Awards ng Hollywood ay pinalitan na ng tawag. Ginawa na itong The Actor Awards. Presented ito ng SAG-AFTRA. Ang ibig sabihin ng AFTRA ay American Federation of Television and Radio Artists.
Sabi pa ni Iza tungkol sa nalalapit na awards ceremony ng Aktor, “Actors voting for their fellow actors. It’s really what we want to emphasize and highlight.
“So para mas ma-feel mo rin ‘yung, I guess ‘yung support ng people from the community itself.”
Kaya parami nang parami ang award-giving bodies.
Alin diyan ang mas credible kaya?
Abangan natin ang magiging resulta ng Eddys Awards sa darating na Linggo.
Itong The Eddys ang magsisimula sa awards season ng mga pelikulang ipinalabas noong nakaraang taon.
Sina Pops Fernandez at Kim Atienza ang hosts ng The Eddys na gaganapin sa The Centennial Hall ng Marriott Hotel.
- Latest


























