Pangulong Marcos sa PNP: Maximum tolerance sa INC rally

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) ang maximum tolerance sa gitna ng “surprise” rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nasa Malacañang ang Pangulo at nagmo-monitor sa mga galaw hindi lang sa loob ng Palasyo kundi para sa taumbayan na naapektuhan at mga naiipit sa trapiko dulot ng naturang protesta.
Giit ni Castro, nagtataka naman aniya si Pangulong Marcos dahil kung masasampahan ng kaso o nasasangkot sa isang kaso si Sen. Rodante Marcoleta na isang miyembro ng INC ay bakit kailangang maglunsad ng ganitong rally ang mga kapatiran.
Nakikinig naman aniya at iginagalang ng Pangulo ang kanilang mga hinaing subalit ang hiling lang nito ay igalang ang mga naapektuhang mga kababayan na hindi naman dapat maapektuhan.
Hindi rin aniya hawak ng Pangulo kung magkaroon man ng kaso si Marcoleta kundi ang Ombudsman kaya bakit si Marcos ang subject sa rally. Mismong si Marcoleta naman aniya ang umamin na mayroong tinanggap na P75 milyon na donasyon sa kanya noong siya ay kongresista pa kaya maituturing itong plunder bagama’t hindi naman ito nakuha sa pondo ng gobyerno.
Nilinaw din ni Castro na hindi basta makikipag-negotiate ang Pangulo sa sinuman kung mayroong maapektuhan at mayroong labag sa batas.
- Latest




















