Kaso ng MPOX, naitala sa Mandaluyong
MANILA, Philippines — Isang lokal na kaso ng mpox, na isang nakakahawang sakit na dulot ng monkeypox virus ang naitala sa Mandaluyong City.
Ito ang kinumpirma kahapon ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) at tiniyak na mahigpit na nilang binabantayan ang naturang mpox case at nagpapatupad na sila ng mga kinakailangang hakbang, kabilang na ang case investigation, contact tracing, at monitoring upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
“Mahigpit nang binabantayan ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong, sa pamamagitan ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), katuwang ang City Health Department, Department of Health Regional Epidemiology and Health Statistic Section (DOH-REHSS), at iba pang kaugnay na tanggapan ang kumpirmadong kaso ng MPOX sa lungsod,” paabiso pa nito.
Ayon sa lokal na pamahalaan, makabubuting tiyaking madalas ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig o alcohol-based hand sanitizer.
Dapat din anilang iwasan ang direktang skin-to-skin contact sa mga taong may hindi maipaliwanag na rashes o skin lesions at takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, at panatilihin ang mabuting personal na kalinisan.
Dapat din umanong magpakonsulta agad sa doktor kung makaranas ng lagnat, pamamaga ng kulani (swollen lymph nodes), o hindi maipaliwanag na rashes o skin lesions.
Ginawa ng lokal na pamahalaan ang kumpirmasyon matapos na kumalat nitong Lunes ang kopya ng isang sirkular mula sa property management office ng isang ‘di pinangalanang condominium na nag-iimporma sa mga residente nito hinggil sa isang kumpirmadong kaso ng mpox.
- Latest















