Baldwin, 10 pa kakasuhan ng hazing

MANILA, Philippines — Inirekomenda ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pagsasampa ng mga reklamo para sa paglabag umano sa Republic Act No.11053 o Anti-Hazing Act, laban kay dating Ateneo men’s basketball head coach na si Tab Baldwin at 10 iba pa kaugnay pagkamatay ng mga rookie player na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa isinagawang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ipadadala ang rekomendasyon sa Department of Justice, na siyang tutukoy kung may probable cause at kung anong mga kaso, kung mayroon man, ang dapat isampa kina Baldwin; Grant Dearns, strength and conditioning coach; Caesar Vincent Javellana Elumba, strength and conditioning coach; Dean Caesar B. Casta?, assistant coach; Sandro Nicholas Romero Soriano, assistant coach; Reynaldo C. Jacinto Jr., assistant coach; Paolo Manuel Maceda Adevoso, student manager; Andrew Lorenzo Bondoc Salud, student manager; John Eric Quiambao Rueca, physical therapist; Aris Ramos Pronce, utility/ball boy; at Joel Palmiano Rapa, utility/ball boy.
Naniniwala ang CIDG na maaaring maituring na hazing ang mga pangyayari sa ilalim ng Anti-Hazing Act, bagama’t ang DOJ ang gagawa ng pinal na desisyon pagkatapos magsagawa ng paunang imbestigasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na ang naturang aktibidad noong Hunyo 8 ay “nag-crossover na sa hazing” batay sa mga ebidensyang nakalap ng mga otoridad.
“Ang dating iniisip natin ay initiations lamang. Ngunit dito, ang team-building at training ay nag-crossover papunta sa hazing,” ani Remulla at ipinaliwanag na hindi lamang initiation rites ang saklaw ng hazing sa ilalim ng batas.
- Latest




















