Eala nakakuha ng leksyon kay Williams

MANILA, Philippines — Hindi man nasungkit ang korona sa doubles event ng Bad Homburg Open sa Germany, malaking karangalan na para kay Alex Eala ang makapares ang legendary tennis player na si Venus Williams.
Sa isang post sa social media, inilahad ni Eala ang saya nito na makasama sa isang torneo si Williams.
Nakaabot sa quarterfinals sina Eala at Williams matapos patumbahin sina Alexandra Osborne ng Australia at Catherine Harrison ng Amerika, 6-3, 6-4, sa opening round,
Subalit naputol ang kampanya nina Eala at Williams matapos yumuko kina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain, 3-6, 2-6.
Masaya si Eala na makapares si WIlliams dahil marami itong natutunan sa 14-time Grand Slam doubles champion sa kanilang maikling pagsasama sa court.
“Never in my wildest dreams would I have thought that I’d have the privilege of competing alongside you on court, Venus Williams! Immensely grateful to learn from you,” ani Eala.
Sa kabilang banda, tinukoy naman ni Williams ang Pinay netter bilang ‘best partner’ sa torneo.
“The best ride, the best tournament. The best partner,” ani Williams sa kaniyang social media.
Matapos ang Bad Homburg Open, agad na tumulak si Eala sa London para paghandaan ang pagsabak nito sa prestihiyosong Wimbledon Championships na papalo sa Hunyo 29 sa All-England Club.
Isa si Eala sa mga seeded players sa Wimbledon kung saan hahawakan nito ang No. 29 seed.
Makakapares naman ni Eala sa doubles si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Matatandaang si Bartunkova ang pinayuko ni Eala sa finals ng Birmingham Open para makuha ng Pinay netter ang kaniyang unang korona sa season na ito.
- Latest






















