Gabi ng Lagim, mapapanood na sa Prime Video

Muling mabubuhay ang thrills at chills na dala ng KMJS’ Gabi ng Lagim The Movie dahil simula ngayong araw, Hunyo 26, ay mapapanood na ito sa Prime Video.
Mula sa GMA Pictures at GMA Public Affairs, hatid ng KMJS’ Gabi ng Lagim The Movie ang tatlong nakatitindig-balahibong kuwento na hango sa mga totoong pangyayari.
Sa pagsasalaysay ni Jessica Soho, tampok sa pelikula sina Jillian Ward, Sanya Lopez, Elijah Canlas at Miguel Tanfelix. Ito ay sa ilalim ng direksyon ng mga kinikilalang filmmaker na sina Yam Laranas, Dodo Dayao at King Mark Baco.
Pinangungunahan ni Miguel Tanfelix ang Pocong, kung saan ang unang biyahe ng isang cadet seafarer ay mauuwi sa bangungot matapos siyang makaranas ng mga nakatatakot na kababalaghan sa loob ng barko. Ang paniniwala sa pocong ay batay sa Indonesian ghost stories at Malay folklore.
Samantala, sina Sanya Lopez at Elijah Canlas ang bida sa Berbalang, na umiikot sa imbestigasyon ng isang bangkay na ninakaw mula sa morgue ng isang bayan. Ang buong akala ng hepe ng pulisya ay kagagawan ito ng isang residente–hanggang kumalat ang mga bulung-bulungan tungkol sa isang nilalang na kumakain ng laman ng tao.
Pinagbibidahan naman ni Jillian Ward ang Sanib, isang kuwentong tungkol sa babaeng sinapian. Isang seminarista ang haharap sa kanyang pinakamalalim na takot at susubukin ang kanyang pananampalataya sa gitna ng laban sa pagitan ng liwanag at dilim.
- Latest






















