Walang nadamay na Pinoy sa Venezuela quake - DFA
MANILA, Philippines — Tiniyak ng embahada ng Pilipinas na walang nadamay na Pinoy sa Venezuela matapos magkasunod na tumama ang 7.5 at 7.2 magnitude na lindol doon.
“As of this writing, no reports of injuries or casualties have been received from Filipino nationals in Venezuela,” anang DFA.
Base sa pinakahuling ulat, 32 katao na ang nasawi habang 700 iba pa ang nasugatan.
Nagpaabot na rin ng taos pusong pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga naulilang pamilya dahil sa nasabing lindol.
Ayon sa Pangulo, nakalulungkot ang naturang insidente. Sa ngalan aniya ng mga Filipino, nakikisimpatya ang Pilipinas sa Venezuela.
Nabatid kay Analyn Ratonel, spokesperson ng DFA, tinatayang mayroong 74 na Pilipino sa Venezuela, na marami sa kanila ay mga religious missionaries.
Sinabi rin ng DFA na nakikipag-ugnayan ang Embahada sa mga Pilipinong naninirahan sa kabisera ng Venezuela na Caracas at sa lungsod ng Barinas upang alamin ang kanilang kalagayan.
Pinayuhan ng DFA ang mga Pilipino na manatiling ligtas sa kanilang mga tahanan at subaybayan ang mga lokal na balita at mga abiso ng gobyerno para sa mga update sa sitwasyon.
- Latest





















