Sen. Raffy ikinabahala dumaraming karahasan sa mga paaralan
MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Sen. Raffy Tulfo ang matinding pagkabahala sa pamamaril sa San Jose National High School, Tacloban City noong June 22, 2026, kung saan tatlong estudyante ang nasawi. Giit niya, may pagkukulang ang DepEd sa pagpapatupad ng seguridad sa mga paaralan.
Mula pa Agosto 2025, matapos ang magkakasunod na insidente ng pamamaril sa Lanao del Sur at Nueva Ecija, paulit-ulit na niyang iminungkahi ang pagtatalaga ng security guards na may metal detectors at paglalagay ng CCTV cameras. Gayunman, sa kabila ng DepEd Memorandum Order No. 90 S. 2025, nananatiling kulang ang implementasyon at patuloy ang karahasan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Marso 2026, muling iginiit ni Tulfo ang mas mahigpit na hakbang laban sa bullying at school violence. Sa pinakahuling insidente, kinumpirma ni DepEd Sec. Sonny Angara na walang bakod ang paaralan sa Tacloban, dahilan upang makapasok ang mga armadong estudyante. Nangako siyang makikipag-ugnayan sa LGU para sa bakod at metal detectors gamit ang Special Education Fund, at sinang-ayunan ang panukala ni Tulfo na dagdagan ang security guards at CCTV gamit ang MOOE.
Bukod dito, naghain si Tulfo ng Senate Bill No. 441 upang palawakin ang Anti-Bullying Act of 2013 at gawing mandatory ang CCTV cameras sa mga paaralan. Nakatakda rin siyang maghain ng Senate Resolution para imbestigahan ang insidente, papanagutin ang mga nagpabaya, at tuldukan ang lumalalang karahasan sa mga paaralan.
- Latest




















