14 miyembro ng Dawlah, sumuko sa Maguindanao

COTABATO CITY, Philippines — Isa na namang grupo ng mga teroristang mula sa nabuwag ng Dawlah Islamiya ang sumuko at sabay na nangako ng katapatan sa pamahalaan nitong Linggo sa isang bayan sa Maguindanao del Sur sa Bangsamoro region.
Kinumpirma nitong Martes ni Army Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, ang pagsuko ng 14 na Dawlah Islamiya members sa naturang surrender ceremony nitong Linggo sa headquarters ng 38th Infantry Battalion sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Apat sa mga Dawlah Islamiya terrorists na sumuko na kinilalang sina Mansoor Ali Guiabar, Samsudin Kalna Oro, Manduh Salik Isang at Mohammad Kasim Buntas, ay mga bihasa sa paggawa ng mga improvised explosive devices gamit ang ammonium nitrate, o potassium chlorate bilang pulbura, maaaring pasabugin sa malayo gamit mobile phones.
Ayon kay Cagara, pumayag na lumantad na upang magbagong buhay ang 14 Dawlah Islamiya terrorists sa magkatuwang na pakiusap nila Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601st Infantry Brigade, Lt. Col. Erwin Felongco, commanding officer ng 38th IB, mga local executives sa Maguindanao del Sur at mga Islamic preachers na tumutulong sa mga anti-terror operations ng 6th ID.
Nangako ang 14 terrorists, sa harap ng mga local executives, ng mga officials ng 601st Infantry Brigade at ng 38 IB at mga kinatawan ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office na sisikapin nilang mahikayat ang ilan pang mga nalalabing mga kasapi ng magkaalyadong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na kilalanin na ang pamahalaan upang makabalik na sa kani-kanilang mga pamilya.
- Latest

























