Senate probe sa Tacloban shooting kasado sa Hulyo 1
MANILA, Philippines — Itinakda sa Hulyo 1 ang isasagawang imbestigasyon ng Senado sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte.
“Sa July 1, muli nating bubuksan ang pagdinig para alamin kung may papel ang mga online platforms sa pagkalat ng mararahas na ideya. Nagiging pugad ng mga grupong nambe-brainwash at nagra-radicalize sa mga bata,” ani Sen. Risa Hontiveros.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng nauna nang pagdinig noong Abril 14 kung saan tinalakay ang umano’y paggamit ng online platforms at gaming spaces para sa “grooming, manipulation, at radicalization” ng mga kabataan.
“Titingnan natin ulit kung may sapat bang ginagawa ang lahat ng online platforms para hindi mapagsamantalahan ang mga kabataan,” dagdag niya.
Dapat din aniyang may managot kung mapapatunayang ginagamit ang internet upang biktimahin ang mga bata, at hindi dapat manaig ang interes ng kita ng malalaking kumpanya.
“Hindi natin hihintayin na magkaroon ng sunod pang biktima bago kumilos. Dapat makapasok ang bawat bata sa paaralan nang ligtas at makauwi rin nang ligtas sa kanilang pamilya,” ani Hontiveros.
- Latest





















