School shooting: 3 estudyante patay, 13 sugatan

MANILA, Philippines — Tatlong estudyante ang nasawi habang 13 ang sugatan sa naganap na pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8) nangyari ang pamamaril alas-9:00 ng umaga sa loob ng nasabing eskwelahan dahilan upang mag-panic ang mga estudyante at guro.
Namatay noon din ang isang babae at isang lalaking estudyante habang dead-on-arrival ang isa pang babaeng estudyante. Habang 13 pang estudyante ang nasugatan at isinugod sa ospital.
Agad na naaresto ng mga otoridad ang unang suspek na 15-anyos na Grade 9 students, anak ng isang sundalo at residente ng Brgy. San Jose sa loob ng paaralan sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Habang ang ikalawang suspek,14-anyos at kaibigan ng unang suspek ay residente ng nasabing barangay ay naaresto sa isinagawang hot pursuit operation.
Narekober sa kanila ang isang 9mm pistol at isang kalibre .38 revolver na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril.
Ayon kay Police Col.Noelito Getigan, hepe ng Tacloban City Police Office, kabilang sa mga tinitingnang motibo ang umano’y pambu-bully na naranasan ng mga suspek.
Agad sinuspinde ang mga klase sa San Jose National High School, San Jose Central School at Manlurip Elementary School kasunod ng insidente.
Kinondena na rin ng Department of Education Regional Office 8 (DepEd-8) Regional Director Alustiano Jimenez ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ng tatlong estudyante.
Nakikipag-ugnayan din ang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya upang maibigay ang kinakaila?gang tulong at psychosocial support sa mga naapektuhang estudyante at personnel.
- Latest















