Konduktor ng bus na may sukbit na baril, inaresto
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga pulis ang isang 26-anyos na konduktor ng bus nang inguso ito ng concerned citizen na may nakasukbit na baril habang nakatambay sa kalye sa Barangay Tambo, ParañaqueCity nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng Tambo Police Sub-Station, inaresto ang suspek na si alyas “Rick”, habang nagsasagawa ng pagpapatrulya sa barangay.
Sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw ng Hunyo 21, nang isumbong ng isang babae sa nagpapatrulyang mga pulis ang kahina-hinalang kilos ng isang lalaki na may baril umanong isinukbit sa beywang sa Sunrise St., Brgy. Tambo.
Habang papalapit ang mga pulis, nagtangkang lumayo ang suspek na nauwi sa maikling habulan hanggang sa mapigilan ito at makumpiska ang isang kalibre .38 baril na may 2 bala at walang serial number.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority).
- Latest

















