Mayor, Vice Mayor, 10 konsehal sa Cebu kinasuhan ng graft

MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sina Minglanilla, Cebu Mayor Rajiv Enad, Vice Mayor Elanito Peña, 10 Sangguniang Bayan members at municipal administrator sa Regional Trial Court in Naga, Cebu.
Ito ay matapos makitaan ng probable cause dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act bunsod ng kwestyunabling denial ng rehabilitation plan sa Sitio Napo, Barangay Guindarohan, Minglanilla.
Kabilang sa mga kinasuhan ang mga konsehal at mga Sangguniang Bayan members na sina Oscar Cañares Dela Calzada Jr., Samuel Gordsin Adlawan Jr., Jesus Denoyo Velez, Jeremias Llanos Cañares, Jaime Secretarya Caumeran, Jenifer Dejan Lariosa, Proserfina Laput Fajutrao, Jenny Zafra Young, Petronilo Entera Traya at Rick Ryan Zafra. Kasama rin sa asunto si Minglanilla Municipal Administrator Junrie Casquejo Bragat.
Nag-ugat ang kaso sa paulit-ulit na pagtanggi ng lokal na pamahalaan na aprubahan ang Rehabilitation Plan na isinumite ng mga nagrereklamo na Jomara Konstruct Corporation at Jomara Agri Food and Supply Corporation.
Naglabas din ang Sangguniang Bayan ng mga resolusyon na tumanggi sa parehong Rehabilitation Plan at sa mga aplikasyon ng mga nagrereklamo para sa Special Waste Disposal Permit.
Sinabi ng Ombudsman na umakto ang mga respondents na may “evident bad faith, manifest partiality, o gross inexcusable negligence nang hindi aprubahan ang Rehabilitation Plan ng complainants kahit mayroon ng partial lifting ng CDO ang DENR para sa implemetasyon nito.
Sina Mayor Enad, VM Peña, at ang 10 municipal councilors na kinasuhan ay kasalukuyang nasa ilalim ng 1-taong preventive suspension na ipinataw ng Office of the Ombudsman noong Pebrero ng taong ito.
- Latest



















