VP Sara ‘inampon’ mga testigo ng prosekusyon
House pumalag
MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ng House prosecution panel ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa pag-ampon nito ng mga testigo ng prosekusyon, na anila’y maaaring magdulot ng pag-aaksaya ng oras at pagkaantala sa impeachment proceedings.
Ayon kay House Trial Spokesperson Zia Alonto Adiong, dapat ipaliwanag ng depensa kung bakit nila inampon ang mga saksi ng prosekusyon at kung ano ang layunin ng kanilang testimonya. Ginawa niya ang pahayag matapos magsumite ang mga prosecutor ng dokumento sa Senado kaugnay ng presentasyon ng ebidensiya at listahan ng mga saksi.
Pinuna ni Adiong na tila pangkalahatang pagtanggi lamang ang depensa at walang malinaw na direksyon sa paggamit ng mga saksi. Dagdag ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co, masyadong malawak ang mga pahayag ng depensa sa pre-trial brief, taliwas sa alituntunin ng impeachment court na dapat malinaw ang kaugnayan ng bawat saksi.
Nilinaw ng prosekusyon na hindi nila tinututulan ang mga saksi ng depensa, ngunit hinihiling lamang na masunod ang guidelines ng korte upang matukoy kung alin sa mga testimonya ang mahalaga, kinakailangan, o inuulit lamang.
Ayon kay Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., hindi maaaring basta na lamang ipatawag muli ng depensa ang mga saksi ng prosekusyon nang walang sapat na paliwanag, lalo’t may pagkakataon na silang ma-cross examine sa paglilitis.
Giit ni Adiong, ang pag-asa ng depensa sa pangkalahatang pagtanggi at pag-ampon ng mga saksi ng prosekusyon ay nagpapakita na wala pa rin itong malinaw na tugon sa mga ebidensiyang nakapaloob sa Articles of Impeachment. Dagdag pa niya, tila nagsasagawa ng “fishing expedition” ang depensa.
Binigyang-diin ni Co na layunin ng prosekusyon na maiwasan ang pagsasayang ng oras ng Senate Impeachment Court at matiyak na bawat saksi at ebidensiya ay may malinaw na layunin bago tuluyang maisapinal ang iskedyul ng paglilitis.
- Latest























