Serbia ‘di pinaporma ng USA

MANILA, Philippines — Apat na sets ang kinailangan ng USA para gapiin ang Serbia, 25-22, 18-25, 25-16, 25-20 sa Philippine Leg ng Volleyball Nations League (VNL) women’s week 2 na nilaro sa PhilSports Arena sa Pasig City kahapon.
Nagtulungan sa opensa sina Avery Skinner at Logan Eggleston upang akbayan ang USA squad na sikwatin ang four-game winning streak at ilista ang 7-1 record .
Mahigpit ang naging bakbakan sa unang dalawang set kung saan ay nagtabla ito sa 1-1 bago hinarurot ang dalawang natitirang frames at kumpletuhin ang four-game swept sa Philippine leg.
Unang tinalbos ng USA ang Dominican Republic, 25-20, 25-19, 25-12, sunod ang Czech Republic, 25-17, 25-12, 25-15 at pangatlo ang defending champion Italy, 27-25, 25-20, 25-16 noong Sabado ng hapon.
Kumana si Skinner ng 18 points mula sa 16 attacks at tig-isang block at service ace habang 17 ang tinipa ni Eggleston kasama ang 16 kills at isang butata sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Para kay Eggleston malaking tulong ang 4-0 na pinalo nila dito sa Manila Leg at madadala nila ito sa susunod nilang laban.
Nagpapaluan ng bola ang 18 elite teams sa nasabing tournament kung saan ang top eight teams pagkatapos ng nine-leg three-week preliminaries ay uusad sa final sa Macau.
- Latest




















