2 pulis inaresto sa rape at pag-abuso ng misis
MANILA, Philippines — Naaresto ang dalawang wanted na pulis na nahaharap sa kasong panghahalay at domestic abuse sa magkahiwalay na operasyon sa Quezon City at Davao del Norte nitong Sabado.
Sa Quezon City, nasakote sa isang hotel sa kahabaan ng Don Alejandro Roces Avenue, Barangay Paligsahan ang isang Police Staff Sergeant na nakatalaga sa Presidential Security and Protection Group (PSG) nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ng Taguig Regional Trial Court sa kasong rape at walang inirekomendang piyansa.
Dinala na ang nasabing pulis sa Integrity Monitoring and Enforcement Group Investigation and Detective Division para sa dokumentasyon bago i-turnover sa mga otoridad.
Naaresto naman sa Sto. Tomas, Davao del Norte, ang isang Patrolman na nakatalaga sa Police Regional Office 11 dahil sa warrant of arrest mula sa Family Court sa 11th Judicial Region.
Kaugnay ito ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act, kung saan may inirekomendang piyansa ang korte.
Nasa kustodiya na ang pulis ng Sto. Tomas Municipal Police Station.
- Latest
















