9 LTO personnel timbog sa extortion sa Agusan

MANILA, Philippines — Siyam na Land Transportation Office (LTO) personnel ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Alubijid, Buenavista, Agusan del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 13, ang operasyon ay matapos namang ireklamo ang siyam na LTO personnel dahilan sa pangongotong umano sa mga truck at delivery drivers na dumaraan sa nasabing lugar.
Dakong alas-6 ng umaga noong Hunyo 18 nang ikasa ang entrapment operation ng mga elemento ng pulisya laban sa mga suspect sa pakikipagkoordinasyon sa LTO Task Force Central Office at iba’t ibang units ng pulisya.
Ang mga suspect ay dinakip sa aktong tumatanggap ng pera sa mga nagpanggap na truck at delivery drivers na dumaan sa lugar na inirereklamong talamak ang illegal aktibidades ng mga suspect. Nakumpiska sa kanila ang marked money, mga cash, communication devices, traffic apprehension forms at iba pang ebidensya na gamit ng mga ito sa kanilang pangongotong.
Tinangka rin umano ng mga suspect na manuhol habang pinoposasan ng mga operatiba. Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang mga suspect na nahaharap din sa mga kasong graft and corruptin, direct bribery at robbery extortion sa Office of the Provincial Prosecutor.
Isa sa mga nasakote ay nahaharap sa karagdagang kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos na mabigong magprisinta ng Permit to Carry Firearm Outside Residence (PTCFOR) sa pagbibitbit nito ng armas.
- Latest




















