Kotse sumabog gulong, nag-dive sa palayan; 8 katao sugatan
MANILA, Philippines — Walo katao ang nasugatan kabilang ang apat na bata makaraang aksidenteng sumalpok ang isang kotse sa konkretong barandilya sa kahabaan ng Alicia-Anganan bypass road hanggang sa mag-dive sa palayan sa Alicia, Isabela nitong Biyernes.
Sa ulat ng Isabela Police, ang mga biktima ay galing sa bayan ng San Guillermo at Angadanan lulan ng kotse patungo sa convention ng isang sekta ng relihiyon sa bayan ng Tumauini nang mangyari ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang babaeng driver matapos namang sumabog ang isa sa gulong ng behikulo sa unahang bahagi.
Dahil dito ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng behikulo habang nagpapanik naman ang mga pasahero nito.
Ayon sa pulisya, nagpagewang-gewang ang takbo ng kotse na bumangga sa konkretong barandilya sa tabi ng highway bago ito bumulusok at bumaligtad pa sa palayan sa lugar.
Mabilis namang nagresponde ang mga operatiba ng pulisya na agad isinugod sa pagamutan ang mga biktima para malapatan ng pangunahing lunas.
- Latest


















