Lotlot, matindi ang galit sa ginawa ni ian

Nag-breakdown sa galit si Lotlot de Leon sa kanyang kapatid na si Ian de Leon at mariing itinanggi ang mga sinabi ng aktor sa Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes ng gabi.
Sa pagsisimula pa lang ng presscon ng 40 Days kung saan ay isa sa bida si Balot, halatang nagtitimpi na ang aktres at gusto nang magsalita. Aniya ay umuusok daw ang kanyang tenga nang mga sandaling iyon.
Sa gitnang bahagi ng mediacon ay hindi na siya nakapagpigil at sumabog na ang galit na kanina pa niya pinipigil. Aniya, habang papunta siya sa event ay ineere ang panayam ni Ian sa show ni Boy Abunda.
Unang klinaro ni Lotlot ang tungkol sa isyu ng mana sa kanila ng yumaong inang si Superstar Nora Aunor. “Let me be clear. Wala akong hinahabol na mana, wala akong hinihinging mana. Ni piso, wala. Kaya kong magtrabaho, at magpakahirap, magpuyat,” aniya.
“Kung ano man ang naiwan ni mommy, mga lupain niya sa Bicol – ‘yun lang ang meron siya,” saad pa ng aktres.
“Wala namang ibang naiwan ang mommy, eh, kung hindi ‘yon,” dagdag niya.
Ikinuwento ni Lotlot na kinausap niya si Ian pagkatapos ng libing ng kanilang ng ina tungkol sa properties na ito. “After mommy died, and after she was buried, to be honest, kinausap ko si Ian nung pagkalibing ni Mommy, after a few weeks.
“Tinanong ko siya, ‘Ian, are you willing to share the properties of mommy with us?’ And tinanong ko ‘yan without Matet, Kiko, and Ken knowing. Why? Kasi, naawa ako sa tatlo, eh. Hindi para sa akin kundi para du’n sa tatlo kong kapatid. Dahil wala namang iniwan si Mommy sa kanila. And tanggap naman namin na kung anong meron si Mommy, kay Ian ‘yan. Walang nanghihingi niyan, walang nang-aagaw.
“At sinabi ko kay Ian, ‘if you’re willing to share the properties of Mommy with us, maraming salamat. Kung hindi, okay lang, walang problema,’” Lotlot recalled.
Tinanong din daw niya si Ian tungkol sa pagtatayo ng foundation for Ate Guy para maipagpatuloy ang legacy ng kanilang ina. “Anong sinabi niya? ‘I’m not ready, wala akong ilalabas na pera.’ At lahat nang usapan namin ni Ian, nasa text ‘yan, may kopya ako. Sabi niya, ‘hindi ko pa kaya ngayon.’ Sabi ko, ‘okay.’ Nirerespeto ko ‘yun,” pag-alala pa ng aktres.
Pero nang magkausap daw sila ulit nina Matet, Kiko at Ken, ay sinabihan siya ng mga ito na magtayo na sila ng foundation. At kinausap daw niya ulit si Ian tungkol dito dahil ang gusto niya ay kumpleto silang lima sa pagtatayo nito. “Sabi niya, ‘hindi, go ahead, do it, gawin n’yo, susuportahan ko ‘yan.’ Ang sabi niya sa akin, ‘pag ready na ba ako pwede ako sumali?’ Sabi ko, ‘oo Ian, kasi atin ‘to, for the legacy of mommy.’”
Nang maitatag na raw ang foundation ay naglabas ng statement si Ian na hindi niya alam ang tungkol dito at hindi siya pumapayag na magtayo ang kahit sino ng foundation in the name of his mom.“Doon ako nasaktan. Bakit? Kasi, alam niya lahat. So, hindi ko maintindihan kung bakit puro kasinungalingan ang lumalabas sa bibig mo, Ian?” emosyonal na sabi ni Balot.
Itinanggi rin ng aktres ang sinabi ni Ian na ipinaalam daw sa kanilang magkakapatid ang plano nito na magtayo ng one person corporation (OPC). “He never told us, he never shared with us anything at all. Wala siyang shinare, wala siyang sinabi, wala siyang kinuwento,” aniya.
“Sa kanya na lahat! Wala akong hinihingi, wala kaming hinihingi, wala kaming inaagaw, walang inaagaw si Matet. He can have it all! Kasi, para sa akin sapat nang natawag kong mommy si Nora Aunor. Sapat na na pinalaki ako ng isang Superstar. Sapat na na nabigyan ako ng pangalan ni Mommy. He can have it all!
“Galit ako! Galit na galit ako. Buong buhay ko sinakripisyo para sa mga kapatid ko, tapos sisirain mo lang!”
Tumayo na si Balot habang patuloy pa rin ang paghagulgol and at this point ay niyakap na siya ng co-stars niya na sina Snooky, Miss D, Elizabeth Oropesa na umiiyak na rin. Umalalay rin ang kanyang anak na si Diego Gutierrez na isa rin sa cast ng movie.
- Latest

























