38 Pinoy crew ng MV Hondius balik Pinas
MANILA, Philippines — Balik Pilipinas na ang 38 Pinoy crew ng cruise ship na MV Hondius na naiulat ang mga kaso ng hantavirus, matapos makumpleto ang kanilang quarantine sa Netherlands ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Sabado.
“Ligtas na nakauwi kagabi ang ating 38 MV Hondius Fil Seafarers mula sa kuwarantina sa Netherlands, sa tulong ng DOH-DMW-OWWA-DOTr-BI teams alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos,” pahayag ni Cacdac sa isang post sa social media.
Bago sumailalim sa quarantine, nagnegatibo rin sa virus ang 38 na tripulante.
Samantala, sinabi ni Cacdac na patuloy pa ring matatanggap ng mga seafarers ang kanilang sahod mula sa kontrata.
“Magpapatuloy silang tumanggap ng kanilang sahod para sa natitirang bahagi ng kanilang kontrata at mananatiling ligtas na empleyado ng kanilang shipowner,” dagdag ni Cacdac.
Karaniwang naililipat ang hantavirus mula sa daga patungo sa tao. Gayunpaman, binanggit ng World Health Organization (WHO) na walang naiulat na presensya ng daga sa barko, kaya’t lumitaw ang posibilidad na human-to-human transmission ang nangyari.
Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, maaaring mangyari ang ganitong uri ng transmisyon sa pamamagitan ng malapit at matagal na pakikipag-ugnayan, partikular sa Andes strain ng hantavirus na matatagpuan sa ilang bahagi ng Latin America.
Kasama sa rehiyong ito ang mga lugar na binisita ng cruise ship at ng mag-asawang Dutch bago sila sumakay.
- Latest




















