P93 milyong puslit na yosi nasabat ng Navy

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga elemento ng Philippine Navy kasunod ng pagkakasamsam sa umaabot sas P93 milyong halaga ng sigarilyo na gawa sa ibang bansa sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Sulu Sea, ayon sa ulat kahapon.
Sa report nitong Sabado ng Western Mindanao Naval Command (WMNC), unang naharang ng Naval Task Force -61 at ng operational units nito ang M/B Aslinda na minamando ng limang tripulante sa bahagi ng karagatan ng Cabucan Islands, Hadji Panglima Tahil, Sulu noong Huwebes ng gabi.
Ang M/B Aslinda ay ini-skipperd ng isang tinukoy sa pangalang Hajil na naglalaman ng 305 cases ng hindi dokumentadong mga foreign-brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P47.5 milyon.
Nabigo namang makapagpakita ang mga tripulante ng kinakailangang mga dokumento para sa ibinibiyahe nilang mga kargamento.
Samantala, sa isa pang operasyon ay naharang din ng mga tauhan ng Philippine Navy ang M/V Babyboy na minamando ng anim na tripulante at isang babae patungo sa timog kanlunran ng Marungas Island sa Jolo, Sulu.
Ayon sa WMNC, sa isinagawang search and seizure operation nakumpiksa naman ang 300 master cases ng hindi mga dokumentadong foreign-brand ng mga sigarilyo na itinago sa loob ng bangka na nagkakahalaga ng P46.3 milyon.
“All seized vessels, cargo, and crew were turned over to the Bureau of Customs-Port of Zamboanga for appropriate legal action and disposition under existing laws and regulations,” saad pa sa report ng WMNC.
- Latest




















