World No. 1 Italy sinapawan ng Team USA sa VNL

MANILA, Philippines — Binulaga ng Team USA ang defending champion Italy, 27-25, 25-20, 25-16, sa Philippine Leg ng Volleyball Nations League (VNL) women’s week 2 kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nag-apoy ang opensa ni opposite spiker Stephanie Samedy upang tulungan ang USA na ikadena ang pangatlong sunod na panalo sa Philippine Leg kaya naman napaganda lalo ang kanilang karta sa 6-1.
Nakitaan ng lakas ang mga American spikers nang sikwatin nila ang panalo sa unang dalawang sets upang mamuro sa pagwalis sa World No. 1 na Italy.
May tsansa sanang makuha ng mga Italian hitters ang panalo sa set 1 dahil mula sa apat na puntos na paghahabol, 13-17 ay naitabla nito ang iskor sa 24-all pero kinapos sila sa bandang huli.
Hindi na pinatagal ng USA squad ang laban, itinodo na rin nila ang kanilang puwersa upang tapusin ang laban sa third frame sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio.
Tumikada si Samedy ng 12 attack points, habang bumakas si Madison Kubic Banks ng 11 markers mula sa 10 kills at isang blocks para sa USA na sunod na makakalaban ang Serbia ngayong alas-12 ng tanghali sa parehong venue.
Bumanat din para sa USA sina Asjia O’Neal at Molly McCage na tumipa ng tig-siyam na puntos at may walong marka si outside hitter Simone Lee Wank.
Nagtala si Merit Chinenyenwa Adigwe ng 13 markers kasama ang walong kills, apat na blocks at isang service ace para sa Italy na nalasap ang pangalawang talo (5-2).
- Latest


















