Ateneo coaching staff ban sa UAAP
MANILA, Philippines — Hindi na muna puwede sa anumang kapasidad sa UAAP ang lahat ng coaching staff ng Ateneo de Manila University hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa trahedya sa Aurora na naging dahilan ng pagkalunod nina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ito ang ipinataw na desisyon ng UAAP Board of Trustees kahapon mula sa rekomendasyon ng Board of Managing Directors bilang paunang hakbang nito habang naghihintay sa resulta ng pagsisiyasat ng ilang government agencies, ng Ateneo, CHED at ng UAAP.
Epektido agad ang naturang ban na magsisilbing “preemptive measure that’s adopted even prior to the UAAP season to preserve the integrity of the ongoing inquiry and to ensure full transparency and due process as facts surrounding the incident are being carefully examined”, ayon sa UAAP.
Hindi pinangalanan ng UAAP o ng Ateneo kung sino ang mga naturang staff na kasama ng nagbitiw na head coach na si Tab Badlwin subalit kung ibabatay sa Immigration Lookout Bulletin Order ng Department of Justice ay tatlo pang assistant coaches ang kasama dito.
Ito ay sina Reynaldo Jacinto Jr., Dean Castaño at Sandro Soriano, habang nasa ILBO rin si team manager Epok Quimpo bagama’t wala sa Aurora dahil sa personal na lakad sa ibang bansa.
Tulad ni Baldwin ay nagbitiw din sa puwesto si Quimpo.
- Latest



















