Ang regalong hindi binuksan
MAY isang binatang solong anak ng isang mayamang negosyante mula sa malayong probinsiya. Nang magtapos siya ng kolehiyo ay isang mamahaling sports car ang kanyang hiniling na regalo sa kanyang mayamang ama.
Dumating ang graduation day at inaasahan ng anak na makukuha na niya ang pinakamimithing regalo. Pagkatapos ng party ay tinawag ng ama ang anak at iniabot ang regalo.
Pagkaalis ng gift wrapper ay isang Bible ang tumambad sa mata ng anak. Sa sobrang disappointment ay naiyak ang anak.
“Dad, nagsikap akong makatapos dahil ‘yan ang gusto mo. Pero bakit ‘yung gusto kong regalo ay di mo maibigay?”
Inihagis ng anak ang regalong Bible at saka dali-daling nilayasan ang ama. Simula noon ay hindi na bumalik sa kanilang bahay ang anak na nagpasiyang lumuwas na ng Maynila. Sa tindi ng hinanakit ay hinding-hindi siya nakipag-communicate sa ama sa loob ng limang taon.
Mataas na ang posisyon ng anak sa kanyang pinagtatrabahuhan nang maisipan nitong dumalaw sa kanilang probinsya. Aksidenteng nagkita sila ng kanyang ninong at nabanggit nitong maysakit ang kanyang ama.
Pagdating sa kanilang bahay ay agad itong humingi ng tawad sa ama na noon ay nakaratay sa banig ng karamdaman. Halos hindi makapagsalita ang ama sa sobrang katuwaan. Sinenyasan ng ama ang kanyang personal bodyguard na kunin ang isang bagay sa aparador na nasa tabi ng kama ng matanda.
Isang Bible ang iniabot ng bodyguard sa ama. Iyon ang Bible na iniregalo sa anak 5 years ago na naging sanhi ng mahabang panahong pagtatampo.
Nakangiti ang ama, “Sana’y binuklat mo muna ang Bible na iyan bago mo inihagis noon. Bakit hindi mo ngayon buklatin?”
Napanganga ang anak. May nakasingit at naka-tape sa isang pahina ng Bible. Susi ng kotse. Halatang matagal na itong nakadikit dahil naninilaw na ang tape. Naroon din ang resibo ng kotse kung saan nakasaad na binili ito ng cash tatlong araw bago siya mag-graduation. Napaiyak ang anak. Hiyang-hiya siya sa ama.
Minsan hindi natin pinapansin ang magagandang biyayang dumarating sa ating buhay dahil hindi ito “nakabalot” sa paraang ating inaasahan.
- Latest




















