‘Tulak’ timbog sa droga at baril sa Catanauan

CAMP BGen Guillermo P. Nakar, Lucena City, Philippines — Isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga na kabilang sa talaan ng Street Level Individual (SLI) ang naaresto sa isinagawang Search Warrant Operation ng Catanauan Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Tagbacan Ibaba, Catanauan, Quezon kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, pinangunahan ng Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ng Catanauan Police katuwang ang 3rd Platoon ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC) ang operasyon na ikinaaresto ni alyas “Jade,” 27 taong gulang, ng Brgy. 9 Poblacion, Catanauan, Quezon.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 0.74 gramo at tinatayang Standard Drug Price na P5,032.
Narekober din ang isang kalibre .22 magnum na baril, limang bala ng kalibre .22 magnum, isang kalibre .45 Armscor pistol, dalawang magasin ng kalibre .45, siyam na bala ng kalibre .45, isang itim na holster, at iba’t ibang halaga ng pera na aabot sa mahigit P127,000.
Nasa kustodiya na ng Catanauan MPS ang suspek ng nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Office of the Provincial Prosecutor sa Catanauan.
- Latest
















