Gilas Boys kampeon ng SEABA U18 Qualifiers
MANILA, Philippines — Prinsipe uli ng rehiyon ang Gilas Pilipinas boys matapos walisin ang SEABA Qualifiers papasok sa FIBA U18 Men’s Asia Cup sakay ng 85-70 tagumpay kontra sa host na Thailand kahapon sa Chan Ka Pho Gymnasium sa Krabi, Thailand.
Ito na ang ikalimang tambak na laro ng Gilas matapos ding kaldagin ang Vietnam, 121-28, Singapore, 110-50, at Thailand, 98-63, sa group stage, bago iwasiwas ang Malaysia sa semifinals, 130-54.
Sa kabuuan, umiskor ng pambihirang 56.8 puntos na winning margin ang Gilas upang patunayan ang pagiging bida ng SEA basketball kagaya ng mga kuya nila sa Gilas men’s senior team.
Bumandera para sa Nationals si Joaquin Mikhail Tovera ng UP Fighting Maroons matapos magtala ng 21 puntos, 2 rebounds, 1 assist at 3 steals sa 23 minutong salang lang upang masikwat ang Tournament MVP Award.
Nakatulong niya sina Patrick Laurence Pasinos at Ethan Matthew Aguas na may tig-13 puntos.
Ito ang unang torneo ng Gilas boys sa mando ng bagong head coach na si Juno Sauler, na pinalitan si LA Tenorio na nakalaan na ang atensyon bilang head coach ng Magnolia Hotshots sa PBA matapos trangkuhan sa kampeonato ng SEABA U16 ang koponan noong nakaraang taon sa Pampanga.
Makakasama ng Gilas sa India ang Thailand bilang finalist dahil 2 koponan ang kakatawan sa Southeast Asia.
- Latest























