AFP, PNP walang simpatiya sa 18 ‘Maleta Boys’

MANILA, Philippines — Sinuman ang nasa likod ng posibleng tangkang destabilisasyon na kinasasangkutan ng 18 “Maleta Boys,” hindi nila kayang pahinain ang propesyonalismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), ani Sen. Panfilo Lacson nitong Linggo.
Giit ni Lacson na malinaw nang itinakwil at inilayo ng mga uniformed service ang kanilang sarili sa 18 dating sundalo na nagsabing naghatid sila ng mga maletang puno ng pera sa ilang personalidad na iniuugnay sa iskandalo sa flood control.
“The AFP and uniformed services natin, wala silang simpatiya sa 18 Maleta Boys. Dini-disown ng Philippine Marines, dini-disown ng AFP. Labindalawa sa kanila ay dishonorably discharged. Ayaw nilang ma-associate sa 18. So kung nag-a-assume sila na magti-trigger ito ng something bigger, magkakagulo ang buong bansa, magde-destabilize, sa tingin ko lang, mukhang nagkakamali sila,” aniya sa panayam sa DZBB.
Ayon kay Lacson, maaaring naagapan na ang anumang posibleng banta na may kaugnayan sa 18 “Maleta Boys” matapos magpatupad si acting Senate President Sherwin Gatchalian ng mas mahigpit na seguridad sa Senado at payagan ang mga empleyado na magtrabaho mula sa kanilang mga tahanan.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang pagpasok ng 18 sa Senado noong Hunyo 8 na sa halip dumalo sa meeting ng Blue Ribbon noong araw na iyon, nagtungo sila sa tanggapan ni Sen. Robinhood Padilla upang magsagawa ng press conference.
Aniya, sinubukan pa umano ng mga sumusuporta sa 18 na gipitin at harasin si Senate Sergeant-at-Arms (Ret.) P/Maj. Gen. Alfredo Corpuz upang makapasok lamang ang grupo sa Senado.
Sinabi ni Lacson na hindi malayong isipin na maaaring ginagamit ang 18 upang magsimula ng kaguluhan sa loob ng Senado at gawing isang “staging area” at rallying point para sa AFP at PNP.
- Latest




















