Eala sabik na sa doubles partnership kay Venus
MANILA, Philippines — Sabik na si Pinay netter Alex Eala na makapares si legendary tennis player Venus Williams sa doubles event ng Bad Homburg Open na gaganapin sa Germany.
Sinabi ni Eala na isang malaking karangalan na makapares si Williams sa doubles lalo pa’t marami itong matututunan sa American player dahil malalim ang karanasan nito partikular na sa doubles.
“I’m really excited. Venus Williams is such a trailblazer and continues to do so much and has done so much for the sport,” ani Eala.
May 14 Grand Slam titles si Williams sa doubles karamihan ay kasama ang kapatid nitong si Serena na bumalik sa paglalaro ng tennis sa HSBC Championships sa London, England matapos ang apat na taong pagreretiro.
Kaya naman sabik na si Eala na makapaglaro sa Bad Homburg Open.
“I like to say that women’s tennis has been a trailblazer for women’s sports and she is a big part of why that is,” dagdag ni Eala.
Galing si Eala sa kampanya sa HSBC Championships kung saan nakapasok ito sa second round ng naturang WTA 500 grass tournament.
Subalit nabigo itong makausad sa quarterfinals nang lumasap ito ng 2-6, 2-6 talo sa kamay ng kaibigang si Iva Jovic ng Amerika.
Nauna nang nakasungkit ng grass title si Eala sa Birmingham Open sa Birmingham, England.
Sunod na sasabak si Eala sa Berlin Open sa Germany na magsisimula sa Lunes.
- Latest

















