Lookout order vs Baldwin hingi ng pamilya Baterbonia

MANILA, Philippines — Hihilingin ng pamilya ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia sa Department of Justice (DOJ) ang pag-iisyu ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin.
Ayon sa legal counsel ng pamilya Baterboni na si Atty. Israelito Torreon, layon nilang matiyak na maayos at tuluy-tuloy na pag-usad ng imbestigasyon sa pagkamatay nina Baterbonia at kapwa manlalarong si Divine Adili.
Nilinaw naman ni Torreon na sa kasalukuyan ay wala pa silang direktang itinuturong may pananagutan sa insidente, kabilang si Baldwin.
Matatandaang nasawi sina Baterbonia at Adili matapos malunod sa karagatan ng Dipaculao, Aurora noong Lunes habang kalahok sa isang team-building activity ng koponan.
Samantala, nakiramay sa burol ni Baterbonia ang kanyang mga kasamahan sa Ateneo Blue Eagles, gayundin ang mga opisyal mula sa Commission on Higher Education, Department of Education, at Philippine Sports Commission. Inaasahan namang maiuuwi sa Agusan del Sur ang kanyang labi ngayong Huwebes.
Kasabay nito, inatasan ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na bumuo ng isang task force upang magsagawa ng masusing, komprehensibo, at patas na imbestigasyon sa insidente at matukoy kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng anumang kaso.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya sa Aurora, wala pang nakikitang palatandaan ng foul play. Batay sa mga salaysay ng mga lifeguard at responder, walang nakitang anumang senyales ng pananakit sa mga biktima.
- Latest
















