Hindi lang bulsa ang pinipiga, pati pag-asa
SA bawat pagsikat ng araw, milyon-milyong Pilipino ang bumabangon hindi dahil puno sila ng sigla, kundi dahil wala silang ibang pagpipilian. Gigising nang maaga, sasabak sa siksikang biyahe, magpapagod sa trabaho, at uuwi nang pagod ang katawan at isip. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagsisikap, tila lalong humihigpit ang kapit ng kahirapan sa leeg ng karaniwang mamamayan.
Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tila nananatiling nakapako ang kakayahan ng maraming pamilya na makasabay. Ang dating sapat para sa isang linggong pagkain, ngayon ay halos hindi na umabot ng ilang araw. Ang perang pinaghirapan sa buong araw ay parang tubig na dumadaloy sa pagitan ng mga daliri—mabilis mawala, walang natitira.
Sa mga palengke, makikita ang mga nanay na paulit-ulit nagbibilang ng barya bago mamili. Sa mga terminal, may mga manggagawang napapailing habang tinitingnan ang natitirang laman ng kanilang pitaka. Sa mga tahanan, may mga magulang na mas pinipiling mabusog ang kanilang mga anak kahit sila mismo ay tubig at kape na lamang ang pinanghahawakan hanggang kinabukasan.
Nakakalungkot isipin na sa isang bansang sagana sa likas na yaman at may mamamayang kilala sa sipag at tiyaga, marami pa rin ang hindi makalas sa siklo ng pang-araw-araw na paghihirap. Hindi dahil kulang sa pagsisikap ang tao. Hindi dahil tamad ang Pilipino. Kundi dahil tila mas mabilis tumakbo ang pagtaas ng gastusin kaysa sa pag-angat ng kabuhayan.
Masakit man aminin, hindi lang bulsa ang pinipiga ng kasalukuyang kalagayan. Pati pag-asa. Pati pangarap. Pati paniniwala ng ordinaryong mamamayan na balang araw ay gagaan din ang kanilang buhay.
Kapag ang isang manggagawa ay kailangang mamili kung pagkain ba o bayarin ang uunahin, may mali. Kapag ang isang estudyante ay napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil kulang ang pera ng pamilya, may mali. Kapag ang isang magulang ay umiiyak nang palihim dahil hindi niya maibigay ang pangangailangan ng kanyang mga anak, may mali. At kapag ang mga problemang ito ay nagiging normal na lamang sa mata ng marami, mas lalong may mali.
Ang mas nakababahala ay ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng mamamayan. Dahil ang gutom ay kayang tiisin nang isang araw. Ang pagod ay kayang labanan nang ilang buwan. Ngunit ang mawalan ng pag-asa ay ibang usapan. Kapag ang tao ay nawalan ng paniniwalang may magandang bukas na naghihintay, doon nagsisimulang mabasag ang kanyang espiritu.
Hindi kailangan ng taumbayan ng magagandang salita lamang. Hindi sapat ang mga pangakong inuulit sa bawat talumpati. Ang kailangan ng masa ay konkretong aksyon, malinaw na direksyon, at pamumunong marunong makinig sa hinaing ng mga nasa laylayan. Dahil ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi nasusukat sa mga numero sa papel o sa mga ulat na maganda pakinggan. Nasusukat ito sa dami ng pamilyang nakakakain nang sapat, sa bilang ng mga kabataang nakakapag-aral, at sa mga manggagawang nakakauwi nang may dignidad at kapanatagan.
Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag ang Pilipino. Paulit-ulit mang madapa, marunong pa ring bumangon. Paulit-ulit mang mabigo, patuloy pa ring nangangarap. Ngunit hindi habang-buhay sapat ang katatagan upang takpan ang mga problemang dapat matagal nang nabibigyan ng solusyon.
Panahon na upang pakinggan ang tinig ng karaniwang mamamayan. Panahon na upang kilalanin na ang tunay na lakas ng bansa ay wala sa matataas na gusali, malalaking proyekto, o magagarang opisina. Ang tunay na lakas ng Pilipinas ay nasa mga manggagawang walang sawang kumakayod, sa mga magsasakang nagtatanim kahit kulang ang suporta, sa mga guro na patuloy nagtuturo sa kabila ng kakulangan, at sa mga magulang na araw-araw lumalaban para maitawid ang kanilang pamilya.
Dahil sa dulo ng lahat ng diskusyon tungkol sa ekonomiya, pulitika, at pag-unlad, iisa lang naman ang tanong ng masa, kailan ba takaga mararamdaman ng karaniwang Pilipino ang ginhawang matagal nang ipinapangako?
Hangga’t hindi nasasagot ang tanong na iyon, mananatiling buhay ang hinaing ng taumbayan. Sapagkat hindi lang bulsa ang pinipiga ng krisis na ito pati pag-asa. At kapag pag-asa na ang nauubos, buong bayan sng unti-unting nasasaktan.
- Latest















