Brownlee, abarrientos pinarangalan sa Game 4

MANILA, Philippines — Tulad ng inaasahan, kinoronohan sina RJ Abarrientos at Justin Brownlee ng Barangay Ginebra Gin Kings bilang Best Player of the Conference at Best Import, ayon sa pagkakasunod, ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup kahapon bago ang Game 4 ng finals sa Smart-Araneta Coliseum.
Kumulimbat ng 1,147 puntos si Abarrientos upang masikwat ang kanyang unang BPC award sa kanyang ikatlong taon palang sa Asia’s oldest professional league buhat ng maging No. 3 overall pick noong 2024.
Dinaig ni Abarrientos sina Robert Bolick ng NLEX at June Mar Fajardo ng San Miguel na may 804 at 573 puntos, ayon sa pagkakasunod, bilang lider ng BPC derby sa elims subalit natanggal agad ang kanilang mga koponan sa quarterfinals.
Kandidato rin sina Ricci Rivero ng Phoenix at Jerrick Ahanmisi ng Terrafirma na may 431 at 421 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sumibol si Abarrientos bilang best local player sa likod ng rehistrong 21.5 points, 3.6 rebounds, 5.1 assists at 1.2 steals sa 19 na laro papasok sa finals.
Sa bahagi ni Brownlee, nasungkit niya ang ika-4 na Best Import award at una simula noong 2023 bilang resident import ng Ginebra matapos humakot ng 29.5 points, 9.8 rebounds, 6.1 assists, 1.67 steals at 1.3 na tapal.
Umani ng 1,264 puntos si Brownlee mula sa stats, media at players upang pumangalawa ngayon sa listahan ng pinakamaraming Best Import awards sa likod lang ng alamat na si Bobby Parks na may 7 parangal.
Tinalo ni Brownlee sina Jaylen Johnson ng Rain or Shine (888), Chris MccCullough ng Talk ‘N Text (690) at Patrick Gardner ng Merlaco (534).
Si Bol Bol ng TNT ang trangko ng karera sa BPC subalit nadale ng Achilles injury sa semifinals kontra sa Meralco.
- Latest
















