Donny, sumuporta sa ‘Baby’!

Kabilang si Donny Pangilinan sa mga dumalo sa ginanap na premiere night ng latest offering ng Regal Entertainment Inc. na Project Baby nung isang gabi.
Hindi na lang namin siya na-interview pero nakitang enjoy ito sa panonood ng pelikula nina Sue Ramirez at Rico Blanco na dinirek ni Eric Quizon na nag-umpisa nang ipalabas sa mga sinehan kahapon.
Samantala, matapos magtala ng pinakamataas na opening day gross para sa isang local film ngayong 2026, dadalhin ng Star Cinema ang romance drama film na Tayo Sa Wakas (Us in the End) na pinagbibidahan nina Donny at Belle Mariano sa mas maraming manonood sa pamamagitan ng international screenings nito sa Australia, New Zealand, US, Canada, Guam, Hong Kong, Macau, Taiwan, Malaysia at Middle East.
Patuloy ang matagumpay na takbo ng pelikula matapos itong kumita ng P70 milyon sa takilya sa unang linggo nito sa mga sinehan. Mapapanood na ito sa Australia at New Zealand simula Hunyo 11, kasunod ang screenings sa US, Canada, at Guam sa Hunyo 12.
Magbubukas naman ito sa Hong Kong at Macau sa Hunyo 21. Nakatakda rin ang screenings nito sa Malaysia at Middle East ngayong Hunyo, at Taiwan sa Hulyo 10.
Mula sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana, umani ng papuri ang Tayo Sa Wakas dahil sa emosyonal at makatotohanang paglalarawan sa pag-ibig, pangarap, at pangalawang pagkakataon.
Inaasahang tulad ng Tayo sa Wakas ay pipilahan din sa takilya ng pelikulang Project Baby.
- Latest





















