Manila LGU nagtaas ng alert status
Sa lindol sa GenSan
MANILA, Philippines — Kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa General Santos City kahapon, nagtaas ng alert status ang Manila LGU kung saan inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga frontline agency ng lungsod na magsagawa ng agarang inspeksyon sa mga pampublikong gusali, paaralan, government building, at iba pang kritikal na pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga pinakilos ang Office of the Building Official, Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, Manila Department of Social Welfare, Department of Engineering and Public Works, Manila Police District, at Schools Division Office–Manila.
Sinabi ni Domagoso na bahagi ito ng regular na paghahanda ng lungsod tuwing may malakas na lindol sa bansa, kahit malayo sa Metro Manila ang epicenter.
Inatasan din ni Domagoso ang MDRRMO na maghanda sakaling kailanganing magpadala ng response team sa General Santos City at iba pang lugar na naapektuhan ng lindol.
Layunin ng hakbang na matiyak na handa, alerto, at nakaantabay ang lungsod para sa kaligtasan ng publiko sakaling magkaroon ng mga aftershock o iba pang emergency situation.
- Latest
















