Babae na bagong laya, tinodas ng tandem
MANILA, Philippines — Isang 41-anyos na bagong layang babaeng sa kulungan ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Tabunan, Bago City, Negros Occidental nitong Sabado ng hapon.
Ang nasawing biktima na nagtamo ng mga bala sa katawan at pisngi ay kinilalang si Lowela, residente ng Brgy. 2, Manapla ng lalawigang ito.
Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang krimen, dakong alas-4:08 ng hapon sa nasabing lugar ay kalalabas lamang ni Lowela mula sa Negros Occidental District Jail sa Brgy. Tabunan, Bago City at sabik na makauwi sa kanilang bahay at sumakay ng tricycle na may kasamang dalawa pa.
Habang binabagtas ang kalsada ay hinarang sila ng isang itim na motorsiklo sakay ang dalawang lalaki at agad siyang pinagbabaril at hindi dinadamay ang dalawang kasama.
Nang matiyak na napatay ang biktima ay tumakas ang dalawang suspek na inilarawan na ang isa ay nakasuot ng kulay itim na bonnet at walang helmet habang ang isa naman ay kulay dilaw na sweatshirt.
- Latest



















