Indie actor, may gising naramdam ang pagkababae

MANILA, Philippines — Dahil sa indie actor at singer na si Drei Arias, pinag-usapan ang Mr. Gay World Philippines 2026 na ginamit niya para mag-out ng tunay niyang kasarian.
Inamin niyang siya ay isang genderfluid pansexual sa Mr. Gay World Philippines.
Nagkaroon ito ng sashing sa Rosa Bistro, Parañaque noong Huwebes, at siya siyempre ang pinagkaguluhang kapanayamin ng entertainment media.
“Sobrang saya ng puso ko!” bulalas niya nang makapanayam ito ni Jerry Olea sa performance niya sa one-act play na Reverse Card na ginanap sa Illumination Studio, Makati City.
“Kasi sobrang positive ng mga feedback ng mga netizen, mostly po. Kasi hindi naman mawawala, ‘di ba po, ‘yung mga hindi pa tanggap ‘yung mga identity natin. Wala pong problema doon. Kaya po tayo nandito, para i-educate sila.”
Ipinaliwanag na rin ni Drei kung ano ba itong genderfluid at pansexual.
“Iba po ‘yung genderfluid sa pansexual,” paliwanag ni Drei.
“Genderfluid po is the gender identity; ang pansexual naman po ay iyong sexual orientation po nung tao.
“Bilang pansexual po, naa-attract po ako normally sa lahat ng gender, kahit anong gender pa iyan, kahit sino pa sila. Naa-attract po ako sa kanila.
“Genderfluid po, there are times na nagigising ako, super-masculine ako. There are times na gumigising naman ako, feeling ko lang ano, medyo feminine or feminine talaga ‘yung aking energy for the day.
“Ganun akong klaseng tao. And I don’t see any problem with it. Kasi hindi ipinaramdam sa akin ng family ko or ng friends ko at lahat ng support system ko na iba siya.”
Sa panahon ngayon na ang dami-dami nang description ng identity ng isang tao, nalilito na ang iba, at feeling nila isa lang ‘yun. Kung bading ka, bading ka talaga. Kung tomboy ka, tomboy ka talaga.
Hindi naman mahalaga ‘yun para sa iba. Basta kung saan ka masaya at tanggap ka ng mga tao.
Natutuwa si Drei dahil ramdam niya ang suporta ng kanyang pamilya.
Hindi isyu sa kanila ang pag-amin niya sa tunay niyang kasarian.
“College pa lang po ako, alam na nila ‘yung SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression) ko. So, me entering the Mr. Gay World pageant and coming out as genderfluid pansexual, ‘yun ‘yung surprise sa kanila. Nabigla lang sila,” natatawa na niyang pahayag.
Si Drei ay kumakatawan ng Bulacan sa Mr. Gay World Philippines.
Kauna-unahang Man of The World 2026, taga-Palawan!
Itinuring na makasaysayan itong pagkapanalo ng kandidato natin sa Man of the World 2026 na si Oliver Eugen Kretz.
Ginanap ang naturang patimpalak sa Palacio de Maynila noong Sabado, June 6.
Si Kretz ang kauna-unahang Pilipino na nagwaging Man of the World mula nang maitatag ito noong 2017.
Tinalo niya ang 27 iba pang delegado mula sa iba’t ibang bansa.
Naging runners-up niya sina 1st runner-up Abel Adrian Díaz (Ecuador), 2nd Runner-Up si Fidel Arellano (Chile), 3rd Runner-Up si Luis Arturo Jauregui (Mexico), at 4th Runner-Up si Afiq Naufal (Malaysia).
Tubong Puerto Princesa, Palawan si Oliver, at sa buong paglalakbay niya sa patimpalak, ipinakita niya ang kanyang kumpiyansa, dedikasyon, katalinuhan, at malinaw na layunin bilang isang huwarang kabataang Pilipino.
Ang kanyang tagumpay ay bunga ng mahabang paghahanda, sakripisyo at pagsusumikap.
Ang Man of the World ay isa na ngayong kinikilalang international male pageant na nagsusulong ng edukasyon, personal na pag-unlad, humanitarian causes, at responsableng pagkalalaki sa ilalim ng kanilang adbokasiyang “Masculinity with Responsibility.”
Congratulations kay Oliver Eugen Kretz at sa ating bansa.
- Latest






















