Solomon, Alas Pilipinas tumukod sa Australia
CANDON CITY, Ilocos Sur - Nagparamdam ng lakas si Alyssa Solomon sa kanyang unang laro sa 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup pero hindi sapat kaya yumuko ang Alas Pilipinas sa Australia, 22-25, 25-23, 25-18, 15-25, 11-15 kahapon na nilaro sa Candon Arena dito.
Inakbayan ni opposite hitter Solomon ang Alas Pilipinas sa second set kung saan ay naging mahigpitan ang labanan, naitakas nila ang panalo upang itabla ang iskor sa tig-isang set win.
Muling nagpatuloy ang mainit na laro ni Solomon at nakatuwang nito sa opensa sina Nina Ytang at Alyssa Valdez para manaig sa third frame sa tournament na suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC), FIVB, AVC, Volleyball World at Candon City na pinamumunuan ni Mayor Eric Singson.
Subalit hindi nasira ang loob ng mga Aussie netters, sinabayan nila ang tikas ng mga Pinay para hablutin ang sets 4 at 5 at itakas nila ang mahirap na panalo.
Nalasap ng Alas Pilipinas ang unang talo sa dalawang laro sa Pool A.
Pinamunuan ng 24 anyos na si Solomon ang opensa para sa Alas Pilipinas, tumikada ito ng 23 points mula sa 22 attacks at isang block habang bumakas sina Ytang at Valdez ng 13 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naglaro si Solomon sa unang laro ng Alas Pilipinas pero nadomina ng host country ang Uzbekistan sa tatlong sets.
Para manatiling may tsansa na umusad sa susunod na phase, kailangan ng Alas Pilipinas na manalo ng straight sets sa susunod nilang mga laro kontra Kyrgyzstan (0-2) ngayong alas-3 ng hapon sa parehong venue.
- Latest



















