3 Pinoy sugatan sa Kuwait drone strike

MANILA, Philippines — Tatlong Pinoy ang sugatan sa drone strike sa Kuwait International Airport noong Hunyo 3.
Sa isang pulong balitaan kahapon, tiniyak naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na walang Pinoy na nasawi sa naturang drone strike.
Ayon kay Cacdac, isa sa mga sugatang Pinoy ay nangailangan ng tahi dahil sa sugat sa anit at braso habang ang dalawa pa ay nakalanghap ng usok at nakaranas ng minor lung congestion.
Kaagad aniyang naisugod sa pagamutan ang mga naturang Pinoy ngunit nakalabas na rin ang mga ito at nakauwi sa kani-kanilang tahanan kung saan sila nagpapagaling.
“No Filipino fatality during the attack… There are three who are injured… One was taken out of the hospital [already] after smoke inhalation, and two were outpatients, na nakalabas na rin,” ayon pa kay Cacdac.
Batay sa ulat ng Kuwaiti state media, ang pag-atake na naganap noong Hunyo 3, ay ikinasawi ng isang Indian national at ikinasugat ng 63 indibidwal, kabilang ang tatlong Pinoy.
Tiniyak naman ni Cacdac na masusi nang mino-monitor ng kanilang ahensiya ang sitwasyon.
Pinayuhan din niya ang lahat ng OFWs sa nasabing bansa na manatili na lamang sa loob ng bahay at iwasan ang mga hindi kinakailangang pagbiyahe.
- Latest
















