Blue Ribbon hearing ni Tulfo aabangan
MANILA, Philippines — Tiwala si House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega na magiging mas makatwiran ang pagdinig ng lehitimong Senate Blue Ribbon Committee na pamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo, kumpara sa isinagawa ng Cayetano bloc (dating Senate President Alan Peter Cayetano) na umano’y pumalpak at nag-flop.
Ito’y matapos magkabuhul-buhol ang kuwento ng tinaguriang “18 bagmen” na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines. Inimbitahan sila ng Cayetano bloc ngunit nauwi lamang sa paninira sa mga kalaban sa pulitika nang walang sapat na ebidensya.
Sa naturang pagdinig, isinangkot sa flood control scandal ang prosecution panel ng Kamara at ilang pulitikong kritiko ng mga Duterte. Ayon kay Ortega, malinaw na motibo ng grupo ni Cayetano ang ilihis ang usapin ng impeachment at baligtarin ang naratibo.
Kabilang sa mga idinawit sina Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, na umano’y hinatiran ng maleta ng pera. Gayunman, hindi matukoy ang eksaktong lugar at petsa, at sa panahong iyon ay hindi pa sila kongresista kaya wala silang kinalaman sa flood control projects.
Inihayag ng prosecution panel na isa itong malinaw na “demolition job” na ginawa ng Cayetano bloc upang guluhin ang impeachment. Nagkabuhul-buhol ang naratibo ng 18 bagmen, na ayon pa kay Ortega ay may pagkakataong kino-coach ni Rep. Marcoleta, gaya ng naunang kaso ni Orly Guteza na nagpakilalang dating kasapi rin ng Philippine Marines.
“Kung mayroon pong hearing ng tunay na Blue Ribbon sa Lunes, sila po ang kinikilala namin sa House of Representatives. Si Senador Tulfo ang lehitimong Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, at nakatitiyak kami na maayos ang daloy ng pagdinig,” giit ni Ortega.
- Latest























