2 lalaki todas sa pamamaril sa Calabarzon

MANILA, Philippines — Dalawa ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng riding-in-tandem sa Laguna at Batangas.
Dakong alas-7:50 ng gabi kamakalawa nang pagbabarilin at mapatay ng riding-in-tandem ang biktima na kinilala sa alyas “Sammy”, 44-anyos, street vendor, residente ng Hong Kong Village, Brgy. Bantay-Banay, Cabuyao City, Laguna.
Ayon sa ulat, kasama ng biktima ang kinakasama nito sa tricycle at papauwi na sila ng mga oras na iyon.
Pagkadating sa kanilang lugar, pababa na sana ang biktima nang dumating ang isang pulang Honda Click na motorsiklo (DO 52135) sakay ang dalawang suspek na kapwa naka-helmet at walang sabi- sabing pinagbabaril ang biktima bago mabilis na tumakas.
Agad dinala sa pagamutan ng kinakasama nito subalit idineklarang dead-on-arrival na.
Samantala, alas-10:50 ng umaga nang matagpuang tadtad ng tama ng bala sa katawan sa kahabaan ng National Highway, Brgy. Putingkahoy Rosario Batangas ang 52-anyos na biktima na kinilala sa alyas “Paulino”, ng Brgy. Putingkahoy, Rosario, Batangas.
Base sa ulat, dalawang ‘di nakilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nakitang papaalis sa lugar kung saan natagpuang duguan ang biktima. Sakay sila ng isang kulay pulang motorsiklo na TMX at kapwa naka-jacket at sumbrero.
- Latest




















