‘Himala’ (Part 1)
NA-DIAGNOSED na may bukol sa baga ang aking tatay at sabi ng doktor ay cancer pero nasa mababang stage pa lamang. Kailangang maoperahan at maalis ang bukol. Hinala ng mga doktor, sa pinagtatrabahuhang pabrika nakuha ni Tatay ang sakit. Wala kasi siyang bisyo. Hindi siya naninigarilyo at umiinom ng alak.
Mahirap lamang kami at walang mapagkukunan ng pera para pampaopera sa aking ama. Lima kaming magkakapatid at ako ang panganay.
Tanging si Tatay ang naghahanapbuhay sa amin.
Dahil ako ang panganay, pakiramdam ko, dala-dala ko ang pasanin sa pagkakasakit na iyon ni Tatay. Hindi ko alam ang gagawin. Kanino ako lalapit para humingi ng tulong?
Gusto kong mabuhay si Tatay at maibalik ang dati niyang sigla. Kung maooperahan siya at daraan sa chemotheraphy, maaring maisalba ang kanyang buhay.
Pero saang kamay ng Diyos kami kukuha ng pera para maipaopera si Tatay? Lumapit ako sa pabrika na kanyang pinagtatrabahuhan pero kaunting tulong lang maibibigay nila. Litung-lito ako ng mga sandaling iyon.
Hanggang sa nasumpungan ko ang sarili na nasa loob ng simbahan at nagdarasal. Iyon na lamang ang paraan para mailigtas ang aking ama sa kamatayan. (Itutuloy)
- Latest
















