Gilas Girls iiwas masilat vs Indonesia

MANILA, Philippines — Iiwas sa silat ang Gilas Pilipinas girls kontra sa Indonesia upang makumpleto na ang pagrereyna sa SEABA Qualifiers ng FIBA U18 Women’s Asia Cup ngayon sa STI West Negros University sa Bacolod City.
Aarangkada ang duwelo sa alas-7 ng gabi para sa tangka ng Nationals na mawalis uli ang regional rivals at makawasikat ng puwesto sa FIBA U18 Women’s Asia Cup na gaganapin sa Malaysia sa susunod na buwan.
Sasakay ang Gilas sa 3 sunod na tagumpay upang maipagpag ang Indonesia na kakaharapin pa ang Thailand as of press time.
Naunang tinalo ng mga bataan ni bagong head coach Sandy Arespacochaga ang Vietnam, 93-42, Singapore, 83-53, at Thailand, 86-48.
Bumida para sa Gilas kontra sa Thailand si Lea Pineula na may 17 puntos at 5 rebounds habang may 11 puntos si Ruiza Olmos.
May ambag ding tig-9 na puntos sina Tiffany Reyes at Zia Onete habang ang kapitang si Sophia Dignadice ang nagmando sa kanilang opensa tampok ang 8 puntos at 8 assists.
Hangarin ng Gilas Girls na mawalis uli ang SEA region matapos magawa ito noong 2024 upang makapasok sa Asia Cup kung saan sila nag-reyna sa Division B upang makapasok sa pambatong Division A.
Subalit hindi ito magiging madali lalo’t wala pa ring galos ang Indonesia na kinaldag ang Singapore, 66-49, at Vietnam, 81-32.
- Latest


















