2-0 lead pakay ng Ginebra vs TNT

MANILA, Philippines — Matapos makalusot sa Game One, puntirya ng Barangay Ginebra ang 2-0 lead kontra sa nagdedepensang TNT Tropang 5G sa Game Two ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals.
Lalabanan ng Gin Kings ang Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Isinalpak ni resident import Justin Brownlee ang isang game-winning jumper sa huling 0.6 segundo ng fourth quarter kontra kay balik-import Chris McCullough para sa 102-100 pagtakas ng Ginebra sa TNT sa Game One noong Miyerkules.
Sa kabila ng kanyang pagbibida ay mas pinahalagahan ni Brownlee ang ipinasok na dalawang krusyal na four-point shots ni point guard RJ Abarrientos.
“He made some huge, huge four-pointers. Without those four-pointers down the stretch, we probably wouldn’t recover. I give a lot of credit to him,” sabi ng 38-anyos na si Brownlee kay Abarrientos. “He’s been playing unbelievable this conference. He’s just a joy to play with.”
Sumandal ang Gin Kings kina Brownlee at Abarrientos sa dulo ng fourth quarter matapos makabangon ang Tropang 5G mula sa isang 18-point deficit sa third period.
Ang three-point shot ni Roger Pogoy ang nagtabla sa TNT sa 100-100 sa huling 26 segundo.
At ang sumunod dito ay ang game-winning jumper ni Brownlee na tumapos na may 23 points habang may 24 markers si Abarrientos.
Ang blangka ni Brownlee sa tira ni Calvin Oftana ang dumiskaril sa hangad na overtime ng TNT.
“Alam ko may foul sa akin. Pero ganun talaga eh, .06 seconds na lang ‘yun. Hindi mo naman masasabi na itatawag ng referee ‘yun,” sabi ni Oftana. “Move forward na lang and bawi na lang sa next game.”
- Latest






















