Lamina, Pepito pipiliing No. 1 pick sa PVL Draft

MANILA, Philippines — Sa pag-atras ni Alyssa Solomon ay posibleng isa kina setter Camilla Lamina at libero Bernadett ‘Detdet’ Pepito ang mapiling No 1 overall pick sa 2026 PVL Draft ngayong gabi sa Novotel Manila Araneta City.
Si Lamina ng National University Lady Bulldogs ay isang two-time UAAP Best Setter, habang si Pepito ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ay hinirang na two-time UAAP Best Libero.
Ang Galeries Tower ang unang pipili sa PVL Draft kasunod ang Capital1 (No. 2), Choco Mucho (No. 3), Akari (No. 4), Nxled (No. 5), Farm Fresh (No. 6), PLDT (No. 7) at Creamline (No. 8).
Ang 6-foot-1 na si Solomon, isang potential first-round selection, ay umatras sa PVL Draft para tutukan ang kanyang paglalaro sa Alas Pilipinas na hahataw sa 2026 AVC Women’s Cup sa Candon City.
Titingin din ang dating Lady Bulldogs star sa ibang foreign leagues matapos sumalang para sa Osaka Marvelous sa SV.League ng Japan.
Umatras din sa PVL Draft si four-time UAAP Best Middle Blocker Niña Ytang ng University of the Philippines Fighting Maroons.
Bukod kina Lamina at Pepito, ang iba pang UAAP standouts na kasama sa 38 aspirante ay sina Jonna Perdido at Xyza Gula ng UST, Irah Jaboneta, Joan Monares, Heart Magsombol at Jum Gayo ng UP, Tin Ubaldo, Ann Asis at Florize Papa ng FEU, Ela Raagas, Michelle Beterina at Sophia Sindayen ng La Salle, KC Cepada, Tin Ecalla at Kayce Balingit ng University of the East, Barbie Jamili ng Adamson at Taks Fujimoto ng Ateneo.
Kasama rin si Fil-Foreign prospect Jade Fuentes ng Cal State Dominguez Hills na dating naglaro sa La Salle Lady Spikers.
Bago ang PVL Rookie Draft ay sumalang muna ang mga aplikante sa Rookie Draft Combine noong Mayo 28 at 29 sa Gameville Ballpark sa Mandaluyong City.
- Latest






















