^

PSN Showbiz

Coco, tumangging mag-endorse ng sugal

SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula - Pilipino Star Ngayon
Coco, tumangging mag-endorse ng sugal
Coco Martin

Ang bilis ng sagot ni Coco Martin na “Wala po!” sa tanong kung may interes ba siyang pasukin ang pulitika.

Isa siya sa pinaka-influential na personalidad sa atin ngayon, at me­ron pa ngang nagsabing kaya niyang tumakbong presidente ng bansa.

At hindi naman itinatanggi ni Coco na matagal na siyang nililigawang tumakbo. “Almost every ano, ‘pag may election lagi akong tatanungin diyan, paulit-ulit ko pa sinagot. Sabi ko, honestly, wala akong interes. Kasi nakikita ko kung gaano kahirap. Hindi ko sinasabing ano ha? Meron naman tayo talagang matitinong politician.

“Pero napakahirap ng sitwasyon. Kasi kunyari sa sitwasyon kong ganun... kung nakakatulong naman ako kahit konti, sa ating mga kapwa Pilipino. Kahit sa sarili kong pamamaraan, okay na ako dun.

“Depende kung maa-appreciate ang ginawa mo o sisirain ka nila. Kaya sabi ko nga, mas better na ‘to na tahimik na lang kami, bilang partner. And then tahimik na lang ako sa trabaho ko.

Sa simpleng pamamaraan, mas makakatulong tayo sa maraming Pilipino,” saad ni Coco nang mag-renew siya ng kontrata sa Regasco noong nakaraang Sabado.

Hindi lang sa pagpasok sa pulitika, kundi pati sa endorsement ay maingat si Coco, dahil naniniwala siyang ang pangalan niya at ang matagal niyang pinaghirapan para maabot ang ganitong tagumpay ang nakataya rito.

Inalok pala siyang mag-endorse ng isang ga­ming company, tinanggihan niya ito.

Eto ang kuwento ni Coco Martin, “May kumukuha sa akin na isang ano… para mag-endorse. Pero hindi siya akma sa aking pananaw o prinsipyo sa buhay. Kasi, every time nagsasalita ako sa mga tao… every time na nabigyan ako ng pagkakataon, lagi kong sinasabi ‘yung hard work.

“Doon ako nagsimula e. Isang araw, may kumukuha talaga sa akin na gusto akong mag-endorse ng isang gambling. Sabi ko, hindi ako magsasalita tungkol diyan. Pero hindi ko kasi pananaw sa buhay ‘yan. Kasi nagsimula ako sa pinakamababa hanggang umabot ako dito.

“Hindi ko inaano ang buhay ko sa suwerte o sa sugal na baka dyumakpat. Kasi para sa akin ang lahat nang pinaghihirapan mo, alam mo kung paano mo siya pahahalagahan.

Tinanggihan ko ang isang nag-alok sa akin na endorsement. And then after that, binalikan ako. Hindi ko akalain sa tanang buhay ko na o-offer-an ako ng ganun kalaking halaga.

“And then after that, diniskas namin ‘yan ni Juls and then ‘yung manager ko. Sabi namin ganun, aanhin namin ‘yung ganito kalaking halaga, pero kung ano naman ang masisirang buhay ng mga tao.

“Hindi ko sinasabing against ako. Sinasabi ko lang ‘to, personal opi­nion ko ‘to. Kasi sabi ko nga, marami kasi akong nakita na naging hobby, naging ganyan, then after that nasira ‘yung buhay.

“Parang hindi ko ‘yan kakayanin. Kasi kung ano na lang meron tayo. Kung ano man meron ako, okay na ‘yun. Kesa maghangad pa ako ng sobra-sobra, then after that, alam ko namang marami akong masisirang mga tao.

“Kasi sabi ko, mahaba naman ‘yung pinaghirapan ko e. Kailangan maprotektahan ko ‘yung pangalan ko. ‘Yung dignidad na pinanghahawakan natin ngayon.

“Kasi sabi ko, ‘yun ‘yung pinagkatiwalaan sa akin ng mga tao e. At ‘yun ang ayokong masisira.

“Kaya kahit sa mga boss ko, sabi ko nga, ‘yung salita ko, ‘yung laway ko, puwede mong isanla.”

Nilinaw naman ni Coco na hindi niya kinokondena ang gaming at ang celebrities na nag-endorse nito.

“Hindi po. Kasi may kanya-kanya tayong paniniwala e. Ako sine-share ko lang po ang karanasan ko,” tugon ni Coco Martin.

Habang nagsasalita si Coco ay nakangiti lang si Julia Montes, at aminado siyang talagang naa-amaze siya sa kanyang partner.

“So, every time na parang lalo kang nai-in love,” napangiting pahayag ni Julia.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with