Balikbayan itinumba sa harap ni misis
MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang matodas ang isang balikbayan sa harapan ng misis nito ng motorcycle riding-in-tandem na mga armadong salarin sa Brgy. Aring, Badoc, Ilocos Norte nitong Miyerkules ng hapon.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan habang hindi naman nasaktan ang misis nito sa insidente.
Sa report ni P/Captain Elison Pasamonte, hepe ng Badoc Police, nangyari ang insidente habang ang nasabing balikbayan at misis nito ay naglalakad sa Brgy. Aring ng bayang ito.
Ang mag-asawa ay kapwa balikbayan na umuwi sa bansa para magbakasyon matapos na magretiro na ang mga ito sa kanilang trabaho sa Hawaii sa Estados Unidos.
Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong salarin saka pinuntirya ng pamamaril ang biktima sa harapan ng kaniyang misis.
Matapos na duguang bumulagta ang biktima ay mabilis namang nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima, pero bigo ng masagip ang buhay nito.
Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol. Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen.
- Latest
















