Anti-fake news bill lusot
6-12 taon kulong, P2 milyong parusa
MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang Digital Media Anti-False Information Act na nagpapataw ng parusang 6-12 taong pagkakabilanggo at multang P500,000 hanggang P2 milyon sa mapapatunayang guilty sa pagkakalat ng fake news.
Layon ng House Bill (HB) No. 9465 o ang Digital Media Anti-False Information Act ni House Majority Leader Sandro Marcos na isa sa pangunahing may-akda na tuldukan ang kabulastugan ng mga fake news spreader.
Ayon kay Marcos, ang pagkakalat ng maling impormasyon ay nagdudulot ng alarma sa publiko at isang seryosong banta sa pambansang seguridad.
“Sa panahon ngayon na ilang segundo lang ay puwede nang kumalat ang maling impormasyon, kailangan ding maging mabilis at malinaw ang proteksiyon ng Estado laban sa disinformation na may tunay na pinsalang dulot sa publiko at pambansang seguridad. Ang layunin ng panukalang ito ay hindi patahimikin ang kritisismo kundi panagutin ang sadyang panlilinlang”, ani Sandro.
Sakaling maisabatas ay maraming fake news spreader ang masasampolan kabilang na ang mga nagkakalat ng pekeng impormasyon sa charter change o Cha-cha.
- Latest


















