OSSA unang nagpaputok sa NBI – Palasyo

MANILA, Philippines — Inihayag ng Palasyo na si Senate Office of Sergeant-at-Arms (OSAA) acting chief at retired Police Major General Mao Aplasca ang una umanong nagpaputok ng ‘warning shots’ sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press officer Atty. Claire Castro na walang isinagawang pag-atake ang mga ahente ng NBI sa nasabing insidente.
“Noong nakita ng [Office of the Sergeant-at-Arms] na mayroong NBI agent sa GSIS, katabi ng Blue Guard, nakita na agad na naka-gear up ang OSAA, nag-vest at naghanda sa isang operation. Pagdating sa bridge sa GSIS premises, tinanong ng OSAA ang isang NBl agent na nakaupo lamang kasama nga ang isang Blue Guard ng GSIS, ayon pa kay Castro.
Nagpakilala rin aniya ang NBI “agent” subalit agad nagbigay ng warning shots si Aplasca, kaya naman napilitan din magpapaputok ng warning shot ang NBI “agent”.
Paliwanag pa ni Castro, na itinalaga ang NBI agents sa paligid ng GSIS bandang alas-6 ng gabi matapos hilingin ni GSIS President and General Manager Wick Veloso para ma-secure ang gusali.
Inuupahan ng Senado ang bahagi ng GSIS property at ang tulay na nagkokonekta sa dalawang tanggapan ay mayroong pinto mula sa bahagi ng Senado at ang susi nito ay nasa OSAA.
- Latest






















